Friday, July 22, 2011

Lumayo ka Flying Ipis!

Minsan ba naisip mo na kapag namatay ka, at nabuhay ka uli, maging ipis ka na? Mahirap ang pagiging ipis. Nakikita ko sa kanilang nahihirapan sila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Nahihirapan din silang kumilos 'pag nakikita na tayo. Katulad na lang ng ikukwento ko.


Siya ay si Flying Ipis. Simula bata pa lamang siya ay masaya na siya sa kakalipad. Sanay na siyang umilag sa mga tao. Hilig niya ang lumipad. Lumipad ng lumipad. kahit saan mapadpad. Kahit saan mapunta, kahit saan mapadpad. Kahit saan mapunta. Basta importante, malasap niya ang simoy ng hangin. Sa ganoong paraan kasi, nakakalimutan niya ang nangyari sa kanyang mga magulang na namatay dahil sa mga tao.


Malungkot si Flying Ipis 'pag mag-isa siya. Madalas siyang nagsosolo sa isang sulok. Walang kaibigan, walang karamay. Noong nakalipas na buwan lang kasi, napatay din ang kasintahan niya ng tao. Kaya ayaw ng magmahal ni Flying Ipis. Dahil nasasayang lang ang luha niya. Nasasayang lang ang pagmamahal niya, nawawala rin naman agad-agad. Kaya mas ginusto niyang sarili na lang ang bigyan ng atensyon. Sarili na lang ang mahalin. Para kung sakali mawala man, wala na siyang iiyakan.


Isang araw, upang makahanap ng makakain, palipad-lipad si Flying Ipis. Kung saan-saan siya umabot. Ang dami ng humarang sa kanya, pero nalalagpasan niya. Isa lang ang 'di niya nalagpasan at kung saan 'di siya nakalusot. Ako. Takot kasi ako sa ipis. Kaya nang makita ko si Flying Ipis, napatalon ako. Kinuha ko ang tsinelas ko. Binato ko siya. Nang malaglag, agad kong tinapakan.


Hindi ko naman alam na ganoon pala kahirap ang naranasan ni Flying Ipis. Nakakaiyak man, pero tapos na. Alam kong nagkamali ako. Napatay ko siya. Ako mismong tao rin, ang pumatay sa kanya.